Hulíng drug case ni Leila de Lima ibinasura na ng korte
METRO MANILA, Philippines — Napawaláng sala na si dating Sen. Leila de Lima sa hulíng drug case niyá matapos katigan ng isang korte sa Muntinlupa City ang kanyang mosyón na ibasura ang mga ebidensya laban sa kanyá.
Naisabáy ang pagpapalabás ng desisyón sa ikatlóng taón ng paggunitâ sa kamatayan ni dating Pangulong Benigno Aquino III, na nagtalagâ kay De Lima bilang kanyáng kalihim sa Department of Justice.
Si Boni Tacardon, abogado ni De Lima, ang nagbahagì ng desisyón ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 sa kaniláng mosyón, tulad sa hinaráp niyáng Criminal Case No. 17-166 noóng 2021.
BASAHIN: 61 prosecution evidence hiningi ng korte sa de Lima drug case
BASAHIN: De Lima maghahain ng mosyon sa pagbasura ng natitirang drug case
Isinampá ang mosyón noóng Marso sa pagdiníg sa kaniláng petisyón na ibasura na ang hulí sa tatlong drug case ng senadora.
Noóng Mayo 2023, pinawaláng-sala ang dating senadora sa ikalawáng drug case ng Muntinlupa RTC Branch 204.
Noóng nakaraáng Nobyembre namán nang payagan siyá ng korte na makapag-piyansa.
Sa hulíng kaso, inakusahán si De Lima ng pagkunsintí sa illegal drug trading sa loob ng New Bilibd Prison.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.