METRO MANILA, Philippines — Ang “independent review” ng New Senate Building na kasulukuyáng itinatayô ay ginagawâ para masiguradong mataás ang kalidád nitó pero mababà lang ang halagá, ayon sa pahayág ni Sen. Alan Peter Cayetano nitóng Martés.
Idiniín ni Cayetano, na chair ng Senate Committee on Accounts, ang kahalagahán ng paglikhâ ng isang “iconic” at “functional” na gusalì na magiging símbolo ng demokrasya at maipagmamalakí nga mga tao.
“Kung magiging masyadong mahál o kung pinaka-magiging maluhò na building sa buóng Pilipinas itó, hindí ito magiging símbolo ng democracy at pride ng ating mga kababayan, kundi kasusuklamán pa ng ibá,” wika niyá.
BASAHIN: P23-B para sa Senate building? Malî yan – Sen. Nancy Binay
BASAHIN: Baká lumobo gastos sa tigil-trabaho sa Senate building – Binay
Ibinahagí ni Cayetano na dalawáng sabáy na pagsusurî ang isinasagawâ sa gusalì:
- isa para sa una at ikalawáng bahagì ng proyekto
- isa para sa ikatlóng bahagì na nangangailangan ng karagdagang P10 bilyon
Nilinaw din niyá na nagpapatuloy namán ang paggawâ sa Phase 1 at Phase 2 at tanging ang Phase 3 na lang ang pinag-aaralan ng hustó upang hindí kalakihan ang gagastusín sa katulad na kalidád.
Patuloy din ániya ang pakikipag-usap nilá ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kiná dating mga chair ng Committee on Accounts — siná Sen. Nancy Binay at dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson — gayundín sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Senate Coordinating Group.
Tinatapos lamang ániya ang independent review at mabibigyáng linaw ang lahát.