METRO MANILA, Philippines — Nanawagan nitóng Martés si Sen. Christopher Go sa mga pamahalaáng lokál na paigtingín ang paglilinis sa mga komunidád nilá para maiwasan ang pagtaás pa ng mga kaso ng dengue.
Nagpahayág ng pagkabahalâ si Go, ang chair ng Senate Committee on Health, sa 28% na pagtaás ng mga kaso ng dengue sa Quezon City at iláng lugar sa Western Visayas.
Aniya, base sa datos ng Department of Health (DOH) mulâ Enero hanggáng Mayo, ngayóng taón nakapagtalâ na ng 67,874 na kaso ng dengue sa bansâ.
BASAHIN: Anti-dengue machines, cash donation ipinaabot ni Rep. Bernadette Herrera sa QC LGU
“Sa haráp ng tumataás na bilang ng mga kaso ng dengue, kailangan nating mag-double effort sa pag-iingat. Ang pagiging alerto at maagap sa pag-iwás ay susì sa pagprotekta sa ating mga komunidád,” dagdág ng senador.
Bunga nitó, umapilá si Go sa DOH, mga pamahalaáng lokál, pribadong sektór, at komunidad na istriktong ipatupád ang 4S strategy kontra dengue:
- “Search and destroy” sa mga pinamumugaran ng mga lamok.
- “Secure self protection” sa kagat ng lamok.
- “Seek early consultation” kapág nakakaranas na ng mga sintomas ng sakít.
- “Say yes to fogging.”
“Malakí pò ang epekto ng malinis na kapaligirán sa pag-iwas natin sa mga sakít. Kayá namán umaapelá aká sa mga komunidád natin na panatilihín natin na malinis ang ating kapaligirán, lalo na kapág may stagnant water na pinamamahayan ng mga lamok” sabi ni Go.