METRO MANILA, Philippines — Ipinaalala ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang kalayaan na tinatamasà ng mga Filipino ngayón ay bunga ng pagsasakripisyo ng mga kinikilalang bayanì ng bansâ.
“Nawá’y magsilbí itóng inspirasyón sa atin upang patuloy na magsumikap para sa isáng mas magandáng bukas,” sabi ni Escudero sa kanyáng mensahe para sa paggunitâ ng Araw ng Kalayaan ngayón Miyerkulés, ika-12 ng Hunyo.
Dagdág pa niya: “Sa paggunitâ natín sa mahalagáng araw na itó, isapusô natin ang diwà ng kalayaan, hindí lamang bilang alaala kundí bilang gabáy sa pagtahak sa landás ng pag-unlád at pagbabago.”
BASAHIN: Kalayaan nakikita sa pagharáp sa araw-araw na hamon – Marcos
Samantala, bagamát hiráp na hiráp dahil sa kondisyón ng paá, pinangunahán namán ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ang selebrasyoón sa Dambanà ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
Sa kanyáng mensahe, sinabi ni Revilla na hindí dapat tumigil ang pagtanáw ng utang ng loób sa mga Filipino na nakipaglaban sa mga sumakop sa bansâ.
“Daáng taón man ang lumipas, hindí malilimutan ang dakilang sakripisyo ng ating mga ninunò. At magpakailanmán, itó ay tatanawín nating utang na loób sa kaniláng nag-alís ng tanikaláng bumihag sa atíng ináng bayan,” aniya.
Hinimok namán ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang sambayanán na patuloy na ipakita ang pagkakaisá ng lahing Filipino sa pagtatanggól ng atíng kalayaan at soberanya.
Dapat aniya laging handâ ang lahát para palagán ang anumang mga nagbabantâ sa kalayaan.
Halos ganitó rin ang nagíng mensahe ni Sen. Risa Hontiveros.
“Patuloy natíng labanan ang mga pwersang nagnanais na hadlangán ang ating pag-unlad. Waláng ibáng titindíg sa mga isyu na itó kundí tayong mga Pilipino. Ngunit ang tunáy na kalayaan ay hindí lamang ang kawalán ng mananakop. Napakaraming mga Pilipino ang hindí pa rin tuluyang makalayâ mulâ sa kahirapan,” aniya.