METRO MANILA, Philippines — Naniniwalà ang Department of Transportation (DOTr) na dumatíng na sa hangganan ang pangungumbinsí nitó sa mga transport group na tutol sa Public Transport Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Transportation Undersecretary Andy Ortega naubusan na silá ng paraán para magkaroón ng kasunduan sa mga grupo.
Aniya iláng beses na siláng nakipag-usap, partikulár na sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), at iláng beses na rin pinalawig ang deadline simulâ noóng nakaraáng taón ngunit waláng nangyari.
Aniya sinubukan din niláng humanap ng mga solusyón sa mga inilatag sa kanilá na mga isyu.
Kaya namán ngayóng araw ng Lunes, huhulihin na ang mga kolorum na mga PUV. At may multá na P50,000 ang operator, isáng taón na suspensyón sa driver, at pagkaka-impound ng unit ng hanggáng 30 araw.
Sasabayán itó ng kilos protesta ng PISTON at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) hanggang sa Miyerkules, ika-12 ng Hunyo.