METRO MANILA, Philippines — Natapos na ang El Niño sa Pilipinas, ayon sa pahayág nitóng Biyernes, ika-7 ng Hunyo, ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ngunit sinabi ni Pagasa Administrator Nathaniel Servando na maaaring magpapatuloy ang tag-tuyót sa Bataan, Pangasinan, Tarlac, Zambales, Apayao, at Cagayan.
Itó namán aniya ay maaaring “buntót” na epekto lamang ng El Niño at magtatagál na lamang itó ngayong buwán ng Hunyo dahil naideklará na rin ang simulâ ng tag-ulán.
BASAHIN: Posibleng mas mapinsalà pa ang La Niña kaysa El Niño – DA
Ipinaliwanág ng Pagasa na ang mga kondisyón sa tropical Pacific ay nagbalík na sa El Niño Southern Oscillation (ENSO) neutral levels. Nangangahulugán itó na walang namamayani sa El Niño o sa La Niña.
Gayunpamán, sa kabilâ din ng pamamayani na ng habagat, maaaring magíng mainit pa rin ang panahón at kakauntí ang pag-ulán.
May posibilidád na ang mga epekto ng La Niña — tulad ng labis na pag-ulán, pagbahâ, at pagguhò ng lupa — ay maaaring maramdamán ng hustó sa hulíng tatlóng buwán ng taóng itó hanggáng sa Pebrero ng susunód na taón.