‘Invisible’: 3.7M na Filipino waláng birth certificate – Jinggoy Estrada
METRO MANILA, Philippines — May 3.7 na milyóng Filipino ang waláng birth certificate, at isáng panukalang batás ukol sa late registration na inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay baká maremedyuhán itó.
Ngunit para iwas-abuso, nais ni Estrada na pagtibayin ang proseso sa late birth registration.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2073 — ang panukalang Delayed Registration of Birth Act — para din mapabigát ang parusa sa pagbibigáy ng mga malíng impormasyon sa birth certificate.
Pinaliwanag niyá na sa ganitóng paraán ay matitiyák na tunay ang birth certificate at ang mga nilalamán nitong detalye.
BASAHIN: Habambuhay na ang bisá ng birth, death, marriage certificates
Binanggít ng senadór na 3.7 na milyóng Filipino ang waláng birth certificate dahil hindí kaya ang mga bayarín, kawalán ng oras, at ang kakulangán sa impormasyón na dapat ay iparehistro ang kakapanganák na batà.
Ang mga itó aniya ay maituturing na “invisible” ayon sa United Nations.
Dagdág pa niyá na ang kanyáng panukalà ay base sa Joint Memorandum Circular No. 2021-01 — o ang Revised Guidelines for Delayed Registration of Birth — na inilabás ng Department of the Interior and Local Government at ng Philippine Statistics Authority (PSA) noóng 2021.
Aniya, sakop ng kanyáng panukalang batás ang mga legitimate at illegitimate na mga batà.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.