US nakatutok sa tumitindíng tensyón sa Korean Peninsula
METRO MANILA, Philippines — Nababahalà ang Ameriká sa tumitindíng tensyón sa Korean Peninsula dahil sa mga ginagawáng mga hakbáng ng North Korea.
Itó ay ayon sa balitàng nakuha sa Washington ng Yonhap News Agency ng South Korea na inilathalà din ngayóng Martés ng Philippine News Agency.
Pinuná raw ni US National Security Communications Advisor John Kirby ang paglulunsád ng North Korea ng military reconnaissance satellite, pagsasagawâ ng artillery drills, ang pagpapadalá ng mga lobo na may lamáng basura sa South Korea, at ang pakikialám sa GPS navigation signals.
BASAHIN: Special envoy sa Korea, dalawang iba pa itinalaga ni Pangulong Marcos
BASAHIN: Pangulong Marcos Jr., naalarma sa missile tests ng North Korea
Tiniyák namán ni Kirby ang pagsuporta ng US sa kaalyadong South Korea para palakasín ang puwersang militár nitó.
Sa pagharáp niyá sa mga mamamahayág sa Foreign Press Center sa Washington, sinabi din ni Kirby na regulár ang komunikasyón ng US at ng South Korea.
Kasabáy nitó, tiniyák niyá na bukás pa rin sa pakikipag-usap sa North Korea ang gobyerno ng US.
Iginiít na lamang niyá na ang pakikipag-usap ng US sa North Korea ay dapat waláng kondisyón.
Aniya hinihintáy na lamang ang tugón ni North Korea President Kim Jong-un sa alok ng Amerika na pag-uusap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.