Mga magulang ni Mayor Alice Guo walá na raw sa Pilipinas

PHOTO: Bureau of Immgration facade with logo superimposed
INQUIRER.net file photo

METRO MANILA, Philippines — Naniniwalà si Sen. Sherwin Gatchalian na nakaalís na ng bansâ ang mga magulang ni Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.

Ayon kay Gatchalian, itó ay base sa impormasyon mula sa Bureau of Immigration (BI) na umalís ng bansâ noóng ika-20 ng Mayo siná Angelito Guo at Lin Wen Yi, ang pinaniniwalaang tunay na ina ni Mayor Guo, at hindí pa silá nakakabalík.

Dahil dito, malabò nang sumailalim pa sa DNA testing si Lin para makumpirmá kung siyá talagá ang ina ni Mayor Guo.

Idiniín ng senador na napakahalagá na malaman ang tunáy na citizenship ni Mayor Guo kaugnay sa pag-iimbestigá kung sino ang nasa likód ng operasyon ng sinalakay na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban noong Marso.

Dagdág pa niyá, hindí ordinaryong sindikato ang nasa likód ng POGO hub dahil sa lakí ng ipinuhunan at lawak ng operasyón nitó.

 

Read more...