Taiwan, todo-paghahanda na sa super bagyong ‘Nepartak’

 

Naghahanda na ang Taiwan sa Super Typhoon na ‘Nepartak’ na inaasahang sasagasa sa kanilang bansa paglabas nito ng Philippine Area of responsibility.

Inatasan na ng lokal na pamahalaan ng Taiwan ang lahat ng kanilang emergency response officials na paghandaan ang super bagyo upang maiwasan ang maraming casualties sakaling maglandfall ang bagyo.

Nagpalabas na ng kaukulang babala ang Taiwan Central Bureau sa mga residente ng Hualien at Taitung, kasama na ang Orchid island sa malalakas na hangin at ulan na idudulot ng bagyong ‘Nepartak’.

Ngayong araw hanggang bukas, inaasahang mararanasan ng Taiwan ang epekto ng naturang bagyo.

Ayon sa Defense Ministry ng Taiwan, nasa 35,000 army personnel ang pinakilos upang magsilbing stand-by personnel upang tumulong sa mga reisdenteng maapektuhan ng bagyo.

Sa pinakahuling tala, ang bagyong Nepartak ay kumikilos sa bilis na 30 kilometro kada oras at tinatahak ang direksyon ng Taiwan.

May taglay itong lakas na 220 kph malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 255 kiometro kada oras.

Sa kasalukuyan, nasa loob pa ito ng Philippine Area of responsibility at tinatawag na ‘Butchoy’ bagamat inaasahang lalabas ito sa teritoryo ng bansa, Byernes ng gabi.

Read more...