13 sundalo nag-positibo sa surprise drug test

 

Labintatlo sa 2,500 na tauhan ng Philippine Army ang bumagsak sa isinagawang surprise mandatory drug test sa Fort Bonifacio noong Martes.

Dahil dito, inatasan agad na sumailalim ang labintatlong sundalo sa confirmatory test sa anumang drug testing center na accredited ng Department of Health.

Ayon pa kay Army spokesperson Col. Benjamin Hao, isinailalim na rin nila ang mga nasabing sundalo sa kanilang kustodiya habang hinihintay ang resulta ng confirmatory tests at para na rin sa mas malalim na imbestigasyon.

Paliwanag pa ni Hao, lahat sa kanila ay obligadong magpa-drug test alinsunod na rin sa utos ng Army commanding general.

Oras aniya na mag-positibo pa sa confirmatory tests ang mga ito, sapat na itong ebidensya para tanggalin sa serbisyo ang kanilang tauhan ngunit iginiit naman nila na dadaan pa rin sila sa due process.

Dagdag pa niya, seryoso rin ang kampanya ng Philippine Army laban sa iligal na droga at mula aniya nang ma-umpisahan nila ito, 204 na sundalo na sa buong bansa ang natanggal na sa serbisyo dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Read more...