‘Nakakalungkot pero kailangan nilang managot’ – Dela Rosa

 

PNP-PIO

‘Tao rin lang ako.’

Ito ang iginiit ni Philippine National (PNP) Chief Ronald dela Rosa nang aminin niyang nalungkot rin siya sa pagharap sa kaniya ng tatlo sa limang pulis heneral na tinukoy ni Pangulong Duterte na protektor ng mga drug lords.

Aniya, emosyonal ang pagharap sa kaniya nina Chief Superintendents Joel Pagdilao, Edgardo Tinio at Bernardo Diaz at aminado siyang naiiyak na rin siya habang pinakikinggan ang paliwanag ng bawat isa sa kanila.

Ayon pa kay Dela Rosa, masyadong personal ang kanilang pag-uusap kaya pinili nilang huwag na itong isapubliko pa.

Una niyang nakausap si Diaz sa kaniyang official residence, at saka nila pinuntahan sina Pagdilao at Tinio sa opisina.

Bagaman nalulungkot siya sa pangyayari, tiniyak ni Dela Rosa sa tatlong heneral na kahit pa mas nauna sila sa serbisyo kaysa sa kaniya, siya na ang tumatayong ama ng organisasyon at kung mayroon man silang maling ginawa, kailangan nila itong harapin at panagutan.

Habang nasa press briefing, nakiusap naman si Dela Rosa sa media na huwag na siyang masyadong tanungin dahil baka siya pa ay maiyak.

Alam niya aniya ang pakiramdam ng mga nasabing heneral at tao lang rin siya na may emosyon.

Read more...