METRO MANILA, Philipines — Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwáng preventive suspension siná Bohol Gov. Eric Aumentado at 68 pang lokál na opisyál sa lalawigan dahil sa pagkakatayô ng isang resort sa Chocolate Hills.
Kabilang sa mga sinuspindi ay iláng mayor, isáng vice mayor, mga punong barangáy, mga opisyál ng iiláng ahensiya ng gobyerno at magíng mga opisyál ng pulisya.
Pinatawan silá ng “preventive suspension without pay” dahil sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ayon sa kautusán ni Ombudsman Samuel Martires na may petsang ika-20 ng Mayo 2024.
Kabilang din sa mga inireklamo sina Bohol Reps. Edgar Chatto (1st District) at Kristine Tutor (3rd District) at sina dating Govs. Rene Relampagos at Arthur Yap.
BASAHIN: Binay: Resort sa Chocolate Hills nakakagalit, nakakadurog ng puso
BASAHIN: Imbestigasyon ng DILG task force sa Chocolate Hills’ resort umarangkada na
Base sa ulat ng Ombudsman Field Investigative Office nilabág ng mga opisyál ang National Integrated Protected Areas System Act of 1992 (NIPAS Act of 1992) at Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 (E–NIPAS Act of 2018) nang hayaan niláng magpatuloy ang operasyón ng Captain’s Peak Garden and Resort sa kabilâ nang kakulangán sa environmental clearance permits ng negosyo.
Noón lamang ika-14 ng Marso 14, humintô ang operasyón ng resort, na nasa bayan ng Sagbayan, nang maging viral sa social media ang video post ng isang travel vlogger.
Kinikilala ng UNESCO ang Chocolate Hills na kabilang sa World Heritage site, bukód pa sa naiproklamá itóng natural monument alinsunod sa Proclamation 1037 na inilabas noong 1997.