METRO MANILA, Philippines — Hindí pag-atake sa mga Chinóy — o mga Filipino na may dugóng Chinese — ang pag-iimbestigá kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, nilinaw ni Sen. Risa Hontiveros kahapóng Lunes.
Siyá mismo, ani Hontiveros, ay may dugóng Chinese dahil ang kanyáng lola sa paníg ng kanyang nanay ay “pure Chinese.” Kaya namá waláng puwáng sa kanyáng komité ang racism, xenophobia, o Sinophobia.
Idiniín niyá na ang pag-iimbestigá kay Guo ay may kinalaman sa maaríng pagkakasangkot nitó sa sinalakay na illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban noóng Marso.
BASAHIN: Walang lusót ang Bamban mayor sa isyu ng POGO – Gatchalian
Dagdág pa ni Hontiveros na malî din na bansagán na “witch hunting” lamang ang ginagawâ ng pinamumunuan niyang Committee on Women and Children — at lalong walâ itong bahid ng pulitká.
Pinangangalagaan lamang aniya nilá ang pambansáng seguridád at iniiwasan ang anumáng krimén na nag-uugat sa operasyon ng mga POGO.
Bukód pa dito, puná pa ng senadora, ang imbestigasyón ay may kinalaman din sa kawalán ng maayos na regulasyón ng mga POGO.