Benepisyo ng mga heneral na isinasabit sa iligal na droga, tuluy-tuloy lang

 

INQUIRER PHOTO
INQUIRER PHOTO

Tuloy pa rin ang pagbibigay at pagtanggap ng pensyon at mga benepisyo ng mga retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP) na kabilang sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa illegal drugs.

Ayon kay PNP Spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos, wala pa naman umanong kaso na naisasampa laban sa mga retiradong heneral na sina Marcelo Garbo at Daan Bantayan Cebu Mayor Vicente Loot.

Ani Carlos, tuluyan ng babawiin ang mga claims at benefits ng mga ito kung mapapatunayang protektor nga sila ng iligal na droga.

Kaugnay naman sa kaso ni Loot, ipinaliwanag ni Carlos na siya ay nasa hurisdikson ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil isa itong local chief executive, habang si Garbo na nasa ibang bansa umano ay itinuturing nang sibilyan at maaring masampahan ng kaso sa isang regular na korte.

Samantala, matapos sumailalim sa surprise drug test, pinaalahanan ang mga pulis Quezon City na hindi dapat sila paapekto sa ibinunyag na narco generals ni Pangulong Duterte.

Hinarap ni Quezon City Police Director (QCPD) deputy director for operations Senior Supt. Joselito Esquivel ang mga tauhan ng station 11 sa Camp Karingal.

Bilin ni Esquivel sa mga pulis, patuloy lang nilang tuparin ang kanilang trabaho.

Magugunita na sa limang police generals na isinabit sa droga ni Duterte, dalawa sa mga ito ang magkasunod na namuno sa QCPD.

Ito ay sina Police Director Joel Pagdilao at Police Chief Supt. Edgardo Tinio.

Bukod dito ilang opisyal at tauhan din ng puwersa ng pulisya sa lungsod ang sinibak sa puwesto at itinapon sa ibat ibang rehiyon sa Mindanao.

Read more...