El Niño: Ayuda tiniyák ni Marcos na aabót sa buóng Pilipinas
METRO MANILA, Philippines — Waláng lugár sa bansâ na nasalantá ng El Niño ang hindî maaabót ng ayuda ng gobyerno.
Ito ang pangakò ni Pangulong Marcos Jr. nitóng Huwebes nang namamahagi siya ng ayuda sa Provincial Sports Complex sa Bongao, Tawi-Tawi.
“Nais kong ipaalám sa inyó na nagsisikap ang inyong pamahalaán upang mabawasan ang tindí ng epekto nitó sa ating pang araw-araw na buhay,” pahayág ni Marcos.
“Sa lahát ng ahensya ng pamahalaán, mulâ sa mga pinunò hanggáng sa bawat empleyado — sisiguraduhin pô namin na makararatíng ang lahát ng tulong, programa, at oportunidád sa ating mga mamamayán, lalo na sa pinakamalayong lugár tulad ng Basilan, tulad ng Tawi-Tawi.”
BASAHIN: Pinsala ng El Niño sa agrikultura lumubo na sa P3.34-B
BASAHIN: GSIS naglaan ng halos P2.5-B para sa El Niño, pertussis emergency loan
May 10 pamilya ang nabigyan ng P10,000 bawat isá, samantalang napagkaloobán namán ng tig-P10 milyon ang pamahalaang panglalawigan ng Basilan at Tawi-Tawi.
Nagbigáy din ng tulong ang Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, at ang Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo.
Kabilang dito ang cash assistance, pag-aalók ng trabaho at kabuhayan.
Magkakaroón din ng katulad na programa ngayóng araw sa Maguindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.