PAG-ASA ISLAND, Kalayaan, Philippines — Pumasa na sa ikalawang pagbasa ang ilang panukalang-batas na layong maisulong ang kapakanan at madagdagan ang mga benepisyo ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Kabilang sa mga naaprubahan na sa second reading ang panukalang batas ni Senior Citizens Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na layong mabigyan pa rin ng 20% na diskuwento ang mga senior citizen at PWD maging sa “promo items.”
Nabatid na co-authors ng House Bill No. 10312 si Albay Rep. Joey Salceda at Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug.
Kasabay nito ang paglusot din ng HB No. 10313, na inihain ni Ordanes, at layon nito na maisama ang pagsusulong ng kapakanan ng senior citizens at PWDs sa eGOV PH Super app.
Naipasa na rin ang HB No. 10314 na para naman maisaayos pa ang mga pribelihiyo at benepisyo ng mga nasa edad 60 o pataas at ang mga may kapansanan.
Bukod pa dito, lumusot din ang HB No. 10174 o ang isinusulong na Geriatric Health Act at ang HB 10423, na ayon kay Ordanes, ay magbibigay ng pensyon sa senior citizens anuman ang kanilang katayuan sa buhay.
Lumusot din ang HB 10188, na iniakda ni Muntinlupa City Rep. Jaime Fresnedi, na ang layon ay mabigyan ng edukasyon at maprotektahan ang senior citizens sa lahat ng uri ng mga scam at panloloko.