METRO MANILA, Philippines — Hindi pinalagpas ni Sen. Francis Escudero ang pagsasagawa lamang ng Department of Energy (DOE) ng tinatawag na “desk maintenance” sa mga planta ng kuryente sa bansa.
Naibunyag ito nitong Martes sa pagdinig ng Committee on Energy kaugnay sa mga serye ng deklarasyon ng yellow at red alert dahil sa kapos na supply ng kuryente sa Luzon hanggang Mindanao.
Sa mga pagtatanong ni Escudero, napa-amin niya si Energy Undersececretary Rowena Guevarra na hindi makapagsagawa ng physical inspection ang DOE, maging ang Energy Regulatory Commission (ERC), dahil wala silang mga tauhan para magsagawa nito.
Inamin na rin ni Guevarra kay Escudero na “desk inspection” na lamang ang nangyayari — o pinagsusumite na lamang nila ng report ang pamunuan ng mga planta ukol sa kondisyon ng kanilang mga planta.
Ang masaklap, giit pa ng senador, wala sa mga opisyal at tauhan ng DOE at ERC ang lubos na nakakaintindi sa kondisyon ng mga planta kayat lumalabas na pinaniniwalaan at ipinalalagay na lamang na tama ang mga nakasulat sa ulat ng power plants.
Samantala, napuna naman ni Sen. Raffy Tulfo, ang chairman ng committee, ang hindi pagharap ni Energy Secretary Raphael Lotilla sa pagdinig.
Nagpasaring na lamang ito na napakahalaga ng isyu sa manipis na suplay ng kuryente sa bansa kayat dapat ay binibigyan ng sapat na atensyon at panahon ng mga kinauukulang opisyal.