MANILA, Philippines — Inamin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, noong siya ang hepe ng Philippine National Polilce (PNP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, na walang nakarating sa kanyang impormasyon ukol sa sinasabing paggamit ng droga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Kasi kung tanungin mo rin ako, nag-chief PNP ako, wala akong nakita about that information. Ako mismo, honestly speaking wala akong nakita,” sabi ni Dela Rosa nitong Martes sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Ibinahagi ito ni dela Rosa matapos ipagdiinan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kahit kailan ay hindi nailagay sa watchlist o kahit nabanggit sa anuman nilang dokumento si Marcos.
BASAHIN: Pangulong Marcos Jr., wala sa drug watchlist – PDEA
Sa pagdinig, sinabi ni PDEA Legal and Prosecution Service acting Director Francis Del Valle na walang nabanggit na Marcos alias Bonget sa anumang pre-operation report noong 2012, gaya ng dokumento na kumalat sa social media.
Base aniya ito sa kanilang National Drug Information System o ang Inter-agency Drug Information database.
Pagdidiin ni del Valle, gawa-gawa lamang ang kumalat na dokumento dahil wala itong control numbers, bukod pa sa maraming impormasyon ang binura.