METRO MANILA, Philippines — Hindi kumbinsido si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na makakatulong sa estabilidad ng presyo ng bigas ang binabalak na pagpayag na muling makabili at magbenta ng bigas ang National Food Authority (NFA).
Naniniwala si Pimentel na band-aid, o pansamantalang, solusyon lamang ang nais ng ilang mambabatas sa Kamara na maibalik ang mandato ng NFA.
Aniya, ang gagawin ng NFA ay ibebenta ng palugi ang bibilhin na bigas para lamang masabi na mura at may abot-kaya na bigas para sa sambayanan.
BASAHIN: Sapat ang bigas sa Pilipinas sa kabila ng El Niño – Marcos
BASAHIN: NFA stores hindi ibabalik sa mga palengke – DA
Pero ang epekto nito ay nakatago sa publiko ang tunay na presyo dahil sa subsidiya ng gobyerno.
Ayon sa senador ang dapat gawin ng gobyerno ay paunlarin ng husto ang produksyon ng palay para sa makatuwiran at makatotohanang presyo ng bigas.
Dagdag pa ni Pimentel na busisiin ang paggamit ng NFA ng P9 bilyong pondo dahil duda niya ay hindi ito nauubos at gagamitin ang sobrang pera sa pag-angkat ng bigas.