“Modern day slavery” ang nangyari sa Kentex

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Tinawag na “modern day slavery” ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ang sitwasyon ng mga manggagawa sa nasunog na pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City.

Ayon kay CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, maraming pabrika sa bansa ang nagpapairal ng sistemang “pakyawan” dahil maraming mga walang trabaho tinatanggap ito para lamang may maipangtustos sa pamilya.

Sinabi ni Villegas na dapat ay paigtingin ng Pamahalaan ang monitoring sa ganitong mga kumpanyang gaya ng Kentex Manufacturing Corp. para mapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado.

Hinimok din ni Villegas ang mga Parish Priests sa bansa na tumulong sa pagbabantay sa mga nasasakupan nilang lugar upang masagip ang mga manggagawang biktima ng “modern day slavery”.

Magugunitang nakumpirma ng Department of Labor and Employment na maliban sa mga regular na empleyado, marami sa mga nagtatrabaho sa Kentex ay “pakywan”.Nabuking din ng DOLE na ang sub-contractor na DOLE na CJC manpower na kanilang kinukuhanan ng mga tauhan ay hindi rehistrado sa DOLE.

Sinabi rin ng DOLE na may tatlo pang kumpanya sa Metro Manila ang kanilang iniimbestigahan dahil kumukuha rin ang mga ito ng empleyado mula sa CJC Manpower.

Ayon kay DOLE-NCR Director Alex Avila, ang tatlong kumpanya na kinabibilangan ng ADLC Rubber at Toyo Machine na parehong nasa Valenzuela at ang Ultra Plus Company.

“Nakita rin namin na may tatlo pang principal ang CJC sa Metro Manila, ang dalawa ay nakita na namin ang address sa Valenzuela”, ayon kay Avila. Ang CJC Manpower ay nakatakda na ring patawan ng cease and desist order ng DOLE./Donabelle Dominguez-Cargullo 

Read more...