METRO MANILA, Philippines — Hindi kasama sa nais maamyendahan sa Rice Tarrification Law ang pagbabalik ng mga tindahan ng National Food Authority (NFA) sa mga palengke para sa mga murang bigas.
Ito ang nilinaw ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa dahil aniya hindi ito kabilang sa mga napag-usapan ukol sa mga probisyon ng batas na nais nilang maamyendahan.
Aniya ang isinusulong na pag-amyenda sa batas ay ang paglilinaw sa regulatory function ng NFA, pagsunod sa sanitary at phytosanitary permit ng mga lokal at imported na bigas, gayundin ang rice stabilization volume augmentation.
BASAHIN: Sapat ang bigas sa Pilipinas sa kabila ng El Niño – Marcos
BASAHIN: DA pursigidong matupad pangakong P20/K ng bigas ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi pa ni De Mesa na manghihimasok lamang ang gobyerno kapag sobrang taas na ng presyo ng mga bigas sa mga palengke at ito ay sa pamamagitan ng Kadiwa Stores at mga kooperatiba at sa tulong na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag pa ni De Mesa ang ilalabas na mga bigas ay magmumula sa buffer stock ng NFA.
At kapag kapos pa rin, maaring maglabas ang NFA ng imported rice o mag-angkat ng bigas.