METRO MANILA, Philippines — Ipinaalala ni Sen. Grace Poe sa sambayanan ang “Hello Garci scandal” makalipas ang dalawang dekada mula ng mangyari ito.
Sa kanyang talumpati sa sesyon ng Senado, sinabi ni Poe na patuloy siyang titindig upang hindi makalimutan ng mga Filipino ang iskandalo noong 2004 presidential elections.
Aniya patuloy siyang naniniwala na ang kanyang yumaong ama, ang artistang si Fernando “Da King” Poe Jr., ang tunay na ibinoto ng mas nakakaraming Filipino bagamat ang naiproklama ay si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Diin niya, maaring napatawad na ng kanyang ama ang mga tao na sumalaula sa eleksyon, pero hinding-hindi niya makakalimutan ang pangalan ng mga ito, lalo ang mga krimen na kanilang ginawa.
Sinabi pa ni Poe na bagamat may mga pagbabago nang naganap sa pagdaraos ng mga eleksyon sa bansa, nagpapatuloy naman aniya ang vote buying.
Dapat din aniya mas malinawan ang kahulugan ng “premature campaigning,” “vote buying,” at “vote selling.”
Kasabay nito, inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2664 na ang layon ay maamyendahan ang ilang probisyon sa Omnibus Election Code upang maituring na “election crimes” ang paggamit ng teknolohiya sa pandaraya sa eleksyon.
Ang tinutukoy na “Garci” ay si Virgilio Garcillano, isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) noong 2004 presidential elections na akusahang kasangkot sa diumano’y pandaraya noon.