METRO MANILA, Philippines — Iginiit ni Sen. Imee Marcos na dapat ay payagan ang mga lokal na pamahalaan at mga kooperatiba ng mga magsasaka na direktang makabili ng bigas mula sa P10- billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Aniya dapat ay idamay na sa mga nakikinabang sa nakolektang buwis mula sa imported rice ang mga lokal na pamahalaan at kooperatiba, hindi lamang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Kailangan lamang aniya na magtakda ng minimum price sa bigas para hindi malugi ang mga magsasaka.
Hiniling din ni Marcos na mapalawig ang rice fund hanggang 2031 dahil anim na taon lamang ang pagpapatupad nito at magtatapos sa susunod na taon base sa Rice Tarrification Law (RTL).
Ipinangako ng senadora na patuloy siyang maghahanap ng mga solusyon para hindi na lamang umaasa ang Pilipinas sa pag-aangkat bigas.
Una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na prayoridad ang pag-amyenda sa RTL para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.