METRO MANILA, Philippines — Kinumpiska ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang higit 8.2 kilograms ng shabu na may halagang P56 million mula sa Thailand at dumating sa Manila International Container Port.
Nakalagay sa plastic pouches ang droga at isinilid sa dalawang electric fan at limang water heater, na inilagay naman sa isang balikbayan box na dumating sa bansa noong Abril 7, ayon sa pahayag nitong Miyerules mula kay Customs Intelligence and Investigation Service Director Verne Enciso.
Idineklarang mga sapatos, kasangkapan sa bahay, at mga piyesa ng sasakyan ang laman ng kahon na.
Ayon kay Enciso nakatanggap ang BOC ng “derogatory information” ukol sa kargamento kaya isinailalim nila ito sa masusing inspeksyon.
Kinumpirma na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na shabu ang nakumpiska ng BOC.
Nakapangalan ang kargamento sa Philippians 419 Export and Import Gen MDSE Corp. at isang Frejail Calugay ang dapat na tatanggap.