Malaking bahagi ng bansa uulanin dahil sa Habagat na palalakasin ng bagyong Butchoy

BUTCHOY JULY 6Makararanas ng pag-ulan ngayong araw hanggang sa weekend ang malaking bahagi ng bansa dahil sa Habagat na palalakasin ng bagyong Butchoy.

Ayon kay PAGASA forecaster Buddy Javier bagaman hindi tatama sa kalupaan at walang direktang epekto sa bansa ang bagyo, palalakasin naman nito ang umiiral na Habagat o Southwest Monsoon.

Sa latest bulletin ng PAGASA ang bagyong Butchoy ay huling namataan sa 85 km East ng Aparrri, Cagayan.

Lalo pang lumakas ang bagyo at taglay na nito ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 220 kilometers kada oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 30 kilometers kada oras sa direksyong Northwest.

Ayon kay Javier, ngayong araw, maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Metro Manila, Gitnang Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Hilagang Mindanao, Caraga at Davao.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang iiral sa nalalabing bahagi ng bansa.

Sa Biyernes pa inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong Butchoy.

 

 

Read more...