Mga pinangalanang heneral ng PNP, inaasahang haharap kay Gen. Bato Dela Rosa

INQUIRER PHOTO
INQUIRER PHOTO

Inaasahang sisipot sa tanggapan ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa ang tatlo sa limang police generals na pinangalanan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot at protektor ng ilegal na droga.

Kabilang dito sina Chief Supt. Joel Pagdilao, na katatapos lang manungkulan bilang director ng National Capital Region Police Office (NCRPO); si Chief Supt. Edgardo Tinio, na dating Quezon City Police District (QCPD) Director; at si Chief Supt. Bernardo Diaz, na dating Western Visayas Police Director.

Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos, ang tatlo ay nasa hurisdiksyon pa ng PNP dahil sila ay pawang nasa serbisyo pa.

Ang dalawa pang pinangalanan ni Duterte ay kapwa retirado na kabilang si Ret. Gen. Marcelo Garbo ay si Ret. Chief Supt. Vicente Loot na ngayon ay mayor ng Daanbantayan, Cebu province.

Sinabi ni Carlos na pakikinggan ni Dela Rosa ang paliwanag ng tatlo at batay sa kanilang magiging pahayag ay doon magsisimula ang PNP sa kung ano ang magiging hakbang.

Pagkakataon aniya ito ng mga pinangalanang heneral para linisin ang pangalanan at ipaliwanag ang kanilang panig.

 

 

Read more...