Pinaghahanda na ni Senator Ramon Revilla Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagpasok naman ng La Niña phenomenon.
Ayon kay Revilla, inaasahan na magdudulot ito ng mga malakas na pag-ulan.
Napakahalaga, diin ni Revilla, na magkaroon ng sapat na paghahanda para maibsan ang anumang idudulot na epekto.
“Ngayon ang pinakamagandang panahon para siguruhin na malinis ang lahat ng mga daluyang tubig at iba pang tributaries, walang bara ang mga drainage, at dapat yung mga pumping station 100 percent operational,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Public Works.
Hindi na dapat maulit pa na kumikilos ang mga kinauukulang ahensiya kapag nananalasa na ang mga kalamidad.
Una nang inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na higit 50 porsiyento na magsisimula ang La Niña sa buwan ng Hunyo.
Posible rin na sa ikalawang bahagi ng taon ay makaranas ang bansa ng 13 hanggang 16 bagyo.