Awayang FL Liza – VP Sara hindi makakaapekto sa trabaho – PBBM

Hindi aalisin ni Pangulong Marcos si VP Sara Duterte bilang Education secretary dahil sa mga nasabi ni First Lady Liza Araneta-Marcos. (FILE PHOTO)

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang mga patutsada ni First Lady Liza Araneta-Marcos ay hindi makakaapekto sa pagta-trabaho nila ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.

Aniya ang hindi pagkakaintindihan ng kanyang maybahay at ni Duterte ay hindi sapat para sibakin niya ang huli bilang kalihim ng DepEd.

Ayon pa sa Punong Ehekutibo tiwala siya na hindi sineseryoso ni Duterte ang mga nasabi ng Unang Ginang dahil isa din itong maybahay at naiintindihan ang nararamdaman ng kanyang misis.

“I think that she, also as a wife, understands how the First Lady feels, when you have to sit there and listen to these attacks that are being made against your husband,” aniya.

Sabi pa ni Marcos, mag-uusap sila ni Duterte ukol sa ibat-ibang bagay.

“But mag-uusap kami ni VP Sara tungkol diyan. Huwag niyang masyadong dibdibin, hindi naman siya yung mga nagsabi ng tungkol sa kung anu-ano. Madali naman sigurong plantsahin lahat yung isyu,” dagdag pa niya.

Binanggit pa ni Marcos na hindi galing sa pamilya ng mga pulitiko ang kanyang magbahay kayat ganun na lamang ang sakit na idinulot sa kanya sa mga alegasyon ng dating Pangulong Duterte.

 

Read more...