Cold storage units binabalak ng Marcos-admin

Cold storage units para sa sapat at murang produktong agrikultural. (INQUIRER PHOTO)

Upang maiwasan o mabawasan ang pagkasira ng mga produktong-agrikultural, binabalak ng administrasyon na bumili ng 600 solar-powered containerized cold storage units.

Sa pakikipag-usap ni Pangulong Marcos Jr., sa mga magsasaka at mangingisda sa Occidental Mindoro dapat ay napapanatili ang sapat na suplay ng mga produktong-agrikultural kahit may mga kalamidad.

Ito aniya ang magagawa ng cold storage units para hindi din magkaroon nang pagtaas ng presyo ng mga produkto.

Ibinahagi ng Punong Ehekutibo na magkakaroon ng karagdagang cold storage units sa lalawigan hindi lamang para sa mga sibuyas kundi maging sa iba pang produkto kabilang na ang isda.

“Iyon ang aming gagawin para pagandahin ang supply at hindi masyadong pabigla-bigla ang presyo ng hindi lamang sibuyas. Gaya ng sabi ko, iba’t ibang gulay pati isda. Lahat pwede natin gamitin ang cold storage,” aniya.

Diin lamang ni Marcos kapag may sobra sa suplay ng mga produkto, bababa pa ang mga presyo.

“Pag may cold storage tayo, hindi na kailangan ipagbili kaagad. Kung anuman lang ang kailangan, ano ‘yung demand,” sabi pa nito.

Read more...