Mapait sa panlasa ni Senator Nancy Binay ang planong pagtatalaga ng karagdagang motorcycle lane sa EDSA.
Sinabi ni Binay na ang dapat na prayoridad ng Department of Transportation (DOTr) ay kung paano lubos na mapapakinabangan ang mass transport system sa Metro Manila.
Aniya ang motorcycle o blue lane ay pansamantalang solusyon lamang at hindi lubos na nakaktugon sa malalang lagay ng trapiko sa Metro Manila.
Diin niya ang dapat gawin ng DOTr ay gawin mas ligtas, maayos at komportable para sa mga pasahero ang mass transport system.
Ito aniya ang gawin sa halip na dagdagan ang motorcycle lane na para lamang sa isang pasahero.
Sabi pa ni Binay hindi pa lubos na nagagamit ang buong potensiyal ng MRT at bus lanes.
“Kawawa yung mga daily commuter na sumasakay papasok ng trabaho na preskong nakabihis at nakaporma kasi nagiging mandirigma sila pagdating sa opisina,” sabi pa ni Binay.