Siniguro ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may contigency plans para sa overseas Filipino workers (OFWs) sakaling lumala pa ang sitwasyon sa Middle East.
Sinabi ito ni Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs kaugnay sa tumitinding tensyon sa rehiyon.
Pagbabahagi pa ni de Vega, bawat embahada ng Pilipinas sa Gitnang Silangan ay may kanya-kanyang “contigency plans”
Nagpapatuloy din aniya ang pagpapabuti sa mga gagawing pagtugon base sa mga naging katulad na karanasan.
Hindi na lamang ito idinetalye ni Foreign Affairs Asec. Robert Ferrer sa katuwiran na kailangan na manatili itong “confidential” upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga OFWs.
Pagtitiyak na lamang niya na ang mga gagawing hakbang ay may koordinasyon sa gobyerno ng mga bansa sa rehiyon.