Pinatotohanan ni Senator Lito Lapid na solusyon sa nararanasang brownouts sa ilang bahagi ng bansa ang renewable energy.
Aniya kailangan na paigtingin pa ang enerhiya na nakukuha mula sa araw, hangin, at alon.
Inihalimbawa niya na ang init ng araw ay maaring magbigay ng kuryente sa pamamagitan ng solar panels.
“Kung tutuusin, bilang tropikal na bansa, masuwerte pa ang Pilipinas dahil sa sagana sa sikat ng araw. Kailangan lang na mas maraming mag-invest na mga pribadong kompaniya sa solar industry para makatugon sa kakapusan ng suplay ng kuryente,” sabi ni Lapid.
Kamakailan ay bumisita ang senador sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental at nalaman niya na madalas magkaroon ng brownouts sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines(NGCP).
“Sana wag na pong maulit ang nangyaring brownouts sa Iloilo noong January hanggang March 2024. Kung walang suplay ng kuryente, walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang ating mga kababayan. Kaya naman importante ang bastanteng power supply para sa katatagan at kaunlaran ng bansa,” pahayag pa ng senador.
Noong nakaraang Lunes, pinasinayaan mismo ni Pangulong Marcos Jr. ang Cebu-Negros-Panay Backbone Project Stage 3(CNP3) sa Mansilingan, Bacolod City na inaasahang makalulutas sa problema ng brownouts sa Western Visayas.
“Suportado po natin ang hakbang ni Pangulong BBM na masolusyunan ang kakapusan sa kuryente, di lang dito sa Negros kundi sa buong Pilipinas. Maganda ang hakbangin niya na mas paunlarin at palakasin ang paggamit ng renewable energy sources sa gitna ng nararanasang El Nino phenomenon. Dapat din mabigyan ng insentibo ang mga renewable energy generators,” aniya.
Sinegundahan naman nina Rep. Dino Yulo at Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson ang mga pahayag ni Lapid ukol sa renewable energy.