Maluwag na ngayon ang daloy ng trapiko sa Divisoria, Maynila dahil sa araw-araw na clearing operations ng Task Force Divisoria, Manila Police at Bureau of Fire Protection.
Ginawang araw-araw ng Task Force Divisoria, Manila Department of Public Safety, MPD at BFP ang clearing operations sa mga sagabal na street vendors.
Ayon kay MPD station 11 Commander Supt. Emerey Abating, hanggang sa itinakdang linya lamang dapat ang mga vendor sa bangketa at kapag lumagpas ay kanilang kinukumpiska ang mga gamit at paninda.
Sa ilang araw na clearing operations nakakumpiska ang mga otoridad ng trak-trak na mga kariton at sabitan ng paninda na lumampas sa guhit.
Binomba rin ng tubig ng bumbero at sinabon ang mga kalsada para mawala ang nakakapit nang putik.
Sa ngayon may nakabantay nang pulis sa lahat ng kanto ng Divisoria para matiyak na hindi na makababalik sa kalsada ang mga magtitinda.
Kabilang sa mga nilinis na lugar at nadadaanan na ngayon ng mga sasakyan ay ang Recto/Tutuban, Reina Regente, Tabora at Juan Luna.