Pinagsabihan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga bumubuo sa Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa pangunguna ni Jey Rence Quilario, Señor Agila sa inookupa nilang lupain sa Socorro, Surigao del Norte.
Ginawa ito ng DENR kasunod nang mga paglabag sa ilang probisyon sa kasunduan na naging epektibo noong 2004.
Nabatid na sa Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) No. 74007 may ilang probisyon na hindi nasunod ang SBSI tulad ng pagsisimula ng agroforestry at pagsasagawa ng Assisted Natural Regeneration (ANR) sa lugar.
Sinabi naman ni Environment Sec. Ma. Antonia Yulo Loyzaga noon pa lamang 2019 ay naobserbahan na nila ang paglalagay ng mga istraktura sa lugar na hindi bahagi ng kasunduan.
Noong nakaraang Setyembre, nagpalabas na si Loyzaga ng Letter of Suspension sa SBSI dahil sa mga paglabag sa Protected Area Management Plan at kawalan ng pag-endorso ng Protected Area Management Board (PAMB).