MANILA, Philippines — Kahit panahon na ng tag-ani ngayon sa bansa, malabo na bumaba ang presyo bigas ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel dahil sa pinsala sa sektor ng agrikultura ng El Niño.
Pag-amin ni Tiu-Laurel bumababa ang presyo ng bigas sa pandaigdigang-pamilihan ngunit dahil sa El Niño maaring hindi makasabay ang Pilipinas.
“Hopefully, ay bababa ‘yan sa second half of this year but as of the moment nandyan ang lingering effects ng El Niño. I don’t think bababa pa nga as of the moment ,” aniya.
Sa ngayon, banggit pa ng kalihim, nasa P2.76 bilyon na ang halaga ng pinsala sa agrikultura dulot ng tag-tuyot kayat asahan na lolobo pa ito dahil nasa kasagsagan pa ang epekto ng nararanasang El Niño.
“To be honest, pataas pa, we are at the height of the El Niño now. Hopefully, by end of May, patapos na ‘yan, pababa na,” paliwanag pa nito.
Sa ngayon ang presyo ng kada kilo ng bigas sa bansa ay P47 hanggang P57 depende sa kalidad at lokasyon.