DOE pumabor sa tax incentives sa e-motorcycles

Malaki ang mababawas sa polusyon sa hangin sa paggamit ng e-motorcycles. (FILE PHOTO)

Suportado ng Department of Energy (DOE) ang panawagan na makasama sa nabibigyan ng tax incentive ang electric motorcycles dahil sa maiaambag nito sa mga hakbangin kontra polusyon.

Sinabi ni Andre Reyes, isang science research specialist sa DOE, ang e-motorcycles ay mahalaga sa pagtulong sa bansa sa paglipat sa electric vehicles dahil ang transportasyon ay patuloy na pangunahing pinagmumulan ng carbon emissions sa bansa.

Sa umiiral na  Executive Order No. 12, ang iba’t ibang uri ng EVs ay tumatanggap ng tax breaks maliban sa e-motorcycles na  pinapatawan pa rin ng 30 percent tariff rate.

“This proposed coverage expansion will send a clear price signal for consumers to switch to EVs, which are more efficient and cheaper to run per kilometer, and assist in energy self-sufficiency,” pahayag ni Reyes sa pagdinig sa pag-amyenda sa naturang kautusan.

Base sa  datos ng kagawaran, lumilitaw na ang paggamit ng e-motorcycles ay nakatutulong upang maiwasan ang 8.5 kilograms ng carbon dioxide kumpara sa internal combustion engine (ICE) motorcycles.

Bukod pa dito, sa paggamit ng e-motorcycle, nakakatipid ng 1.72 litro ng gasolina kada kilometro.

Nabanggit din sa ulat ang plano na karagdagang 2.4 million units ang electric vehicle sa bansa.

Ang pagrebisa sa EO12 ay minamandato isang taon makaraang magkabisa ito, at pangungunahan ng Tariff Commission (TC) at National Economic Development Agency (NEDA) at ang rekomendasyom ay isusumite sa Office of the President.

Read more...