Makalipas ang mahigit labingwalong taon, bukas nang muli ang mga pintuan at gate at wala nang mga barikada ang harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa kanyang pag-upo sa puwesto, naging unang bahagi ng direktiba ni bagong Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano na gawing bukas para sa lahat lalo na sa mga magsasaka ang Kagawaran.
Mismong si Sec. Mariano ang nanguna sa pag-baklas at aalis ng mga kandado at pagbubukas ng mga pintuan ng naturang tanggapan sa Elliptical road, Quezon City kahapon.
Giit ni Mariano, ang pagbubukas ng mga pintuan ng DAR ang simbolo na mananatili itong bukas upang mapanatili ang ugnayan sa pagitan ng mga tauhan ng kagawaran at mga agricultural workers at mga magsasaka.
Maging mga mga magpoprotestang magsasaka aniya ay hindi pipigilan at malugod pang tatanggapin at hahayaang iparating ang kanilang hinaing sa kagawaran.
Si Mariano ay dating nangunguna sa mga kilos protesta sa harapan ng DAR bilang isang dating lider-magsasaka at founding member ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Ayon kay DAR Employees Association secretary Gloria Almazan, panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada nang magmistulang ‘garrison’ ang kagawaran dahil sa dami ng barikada na inilagay sa harap ng gusali.