Maagang dumating ang kalbaryo sa mga motorista at konsyumer ngayon Semana Santa.
Simula bukas, Marso 26, madadagdagan ng P2.20 ang presyo ng kada litro ng gasolina, samantalang P1.40 naman sa diesel at P1.30 sa kerosene.
Una nang tinantiya ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau ang bigtime price hike dahil sa pag-atake ng Ukraine sa tatlong malalaking refinery ng Rusia.
Bukod dito, nagbawas din ng ini-export na langis ang Iraq, maging ang kaganapan sa stock sa Amerika.
Ito na ang ikalawang sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina matapos ang karagdagang P0.10 kada litro noong nakaraang linggo, samantalang bumaba naman ng katulad na halaga ang presyo ng diesel.
Maraming motorista ang inaasahang bibiyahe sa mga susunod na araw dahil sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Semana Santa.