Nagbigay ng kanilang rekomendasyon ang bagong tatag na Center for Energy Research and Policy (CERP) para sa seguridad sa enerhiya sa bansa.
Sa paglulunsad ng CERP, sinabi ni Atty. Noel Baga na kailangan ay bumuo ng indigenous energy resources at sabayan ito nang paghihikayat sa mga nais mamuhunan sa mga imprastraktura at teknolohiya.
Ayon sa dating executive assistant sa Department of Energy (DOE) ito ay upang magkaroon ng sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.
Paliwanag pa niya, upang mabawasan ang pagkawala ng suplay ng kuryente, kinakailanan din na mag-isip ng ibang mapapakuhanan ng enerhiya, patatagin ang grid infrastructure, humikayat ng kompetisyon sa sektor, istriktong ipatupad ang mga regulasyon at amyendahan ang Philippine Grid Code.
At para naman hindi palaging umasa sa importasyon, dagdag pa ni Baga, dapat ay palawakin ang kapasidad ng renewable energy sa bansa at patatagin ang mga imprastraktura upang kayanin ang mga kalamidad.
Para naman bumaba naman ang halaga ng kuryente sa bansa, kailangan aniya na magkaroon ng kompetisyon, magpatupad ng “targeted subsidies” at makatarungan na pagbubuwis.
Inirekomenda ni Baga para sa elektripikasyon, kailangan ang pagkilos ng Kongreso para tiyakin na magkakaroon ng kuryente maging sa mga sulok at liblib na lugar sa Pilipinas.