Sinimulan na ng task force na binuo in Interior Secretary Benhur Abalos ang pag-iimbestiga sa pagkakatayo ng isang resort sa Chocolate Hills sa Bohol.
“There are six members who are in Bohol right now to investigate. Nandoon na po sila at inaalam ang mga dokumento na dapat malaman, ” sabi ni Abalos.
Tiniyak ng kalihim na magiging malalim at masinsinan ang pag-iimbestihga, partikular na ang pagbusisi sa mga dokumento na humantong sa pagkakatayo ng Captain’s Peak Resort sa bayan ng Sagbayan.
“Paano napayagan ito? Kung ito ba ay pinayagan o hindi pinayagan? At higit sa lahat ay kung sino ang dapat managot dito” dagdag pa ni Abalos.
Banggit pa niya na tinitingan na nila ang posibleng responsibilidad para sa paghahain ng mga kaso sa mga sangkot sa pagpapatayo ng naturang resort.
Inatasan na rin niya ang mga lokal na opisyal sa Bohol na makipagtulungan sa task force.
“Ako sinasabi ko sa LGUs, kung wala naman kayong ginagawang masama, walang problema doon pero ang mandato lang namin ay tukuyin kung talaga bang mayroon dapat panagutan. At isa lang ang maipapangako ko, ang dapat managot ay mananagot,” diin ni Abalos.