Sen. Nancy Binay hindi kontra sa pagpapaputi kundi sa gluta drip

(FILE PHOTO)

Nilinaw ni Senator Nancy Binay na hindi siya kontra sa mga nais magpaputi ng balat kundi sa ipinagbabawal na glutathione IV drip.

Ginawa ito ni Binay para malinawan na ang inihain niyang resolusyon ay upang maimbestigahan ang pagsulputan ng mga nag-aalok ng glutathione IV sa nais pumuti.

Una nang sinabi ni Binay na ito naman ay dahil sa mga insidente ng pagkamatay ng mga sumasailalim sa naturang “whitening process.”

Diin niya hindi aprubado ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang glutathione sa pagpapaputi ng balat dahil ito ay ginagamit para lamang sa cancer treatment.

Nangangamba siya sa mga side effects nito at magdulot ng seryosong komplikasyon.

Aniya ang isasagawang pagdinig ay maaring pangunahan ng Committee on Health na pinangungunahan naman ni Sen. Bong Go.

Paglilinaw na rin ni Binay na ang kanyang nais na imbestigasyon ay walang kinalaman sa insidente kamakailan kung saan sumailalim sa vitamins drip si Mariel Rodriguez-Padilla sa opisina mismo ng kanyang mister na si Sen. Robinhood Padilla sa Senado.

Read more...