Tinumbok na ni Senator Cynthia Villar ang Protected Area Management Bureau (PAMB) ang dapat na magpaliwanag ukol sa naipatayong swimming resort sa Bohol Chocolate Hills.
Sinabi ito ni Villar kahit hindi pa niya naihahain ang resolusyon para maimbestigahan ng Senado ang iskandalo.
Paliwanag ng senadora ang PAMB ang una sa pagbibigay proteksyon sa tinukoy na protected areas sa bansa at ito ay binubuo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), non governmental organization (NGO) at local government unit (LGU).
Aniya nais niyang mabigyan linaw kung bakit binigyan permiso ang Captain’s Peak Resort sa bayan ng Sagbayan na magtayo ng mga istraktura sa isang protected area, na kinikilala din ng UNESCO.
Sinabi pa ni Villar na maari naman magtayo ng istraktura sa isang protected area kung ito ay para sa pagbibigay proteksyon sa lugat at eco-tourism ngunit hindi para sa pagnenegosyo.
Inaasahan na ang pinamumunuan ni Villar na Committee on Environment ang magsasagawa ng imbestigasyon.
Naibahagi din niya ang posibilidad na magsagawa ang komite ng ocular inspection sa lugar para mas maging malinaw sa mga senador ang isyu.