Hihilingin na ni Senator Risa Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Zubiri na aprubahan na ang warrant of arrest para kay Pastor Apollo Quiboloy.
Kasunod ito nang pagtanggap ng Committee on Women and Children ng sagot ng kampo ni Quiboloy sa inilabas naman na show cause order.
“Makukulong lang si Quiboloy sa Senado sa hindi pagdalo sa pagdinig at hindi para sa mga mabibigat na paratang ng mga biktima laban sa kanya,” sabi ni Hontiveros.
Nilinaw din niya na wala sa Senate Rules ang pagpapadala ng show cause order ngunit ginawa niya bilang kortesiya kay Sen. Robinhood Padilla at dahil na rin sa kahilingan ni Zubiri.
Dagdag pa niya, ang mga ikinatuwiran ng kampo ni Quiboloy ay nabanggit na rin ng kanyang abogado sa unang pagdinig pa lamang.
Diin pa ng senadora na ang pag-cite in contempt niya kay Quiboloy ay hindi din ang kauna-unahan sa pagdinig sa Senado, gayundin ang pag-iimbestiga ng isang komite sa isang resource person na nahaharap na sa mga kasong kriminal.
Maging ang pag-prisinta ng mga testigo na halos nakatakip ang mga mukha ay ginawa na rin sa mga pagdinig ng ibang komite.
“Magpakita na lamang si Quiboloy. Bakit ba ang dami pa niyang drama?” diin ni Hontiveros.