Nababahala si Senator Pia Cayetano na maaring mabili ang “Filipino citizenship.”
“So I think ang mahalagang mensahe natin eh hindi dapat nabibili ang pagka-Pilipino. Pero sa nakikita natin, nabibili siya. Nabibili siya sa pamamagitan ng sindikato,” pahayag ni Cayetano sa pag-iimbestiga ng pinamumunuan niyang Blue Ribbon Committee.
Aniya posible na may mga sindikato sa ilang lugar dahil kapuna-puna na marami ang nagpaparehistro para sa late birth.
Pinansin din niya na marami sa mga nagpaparehistro ng late birth ay mga Chinese nationals.
Dagdag pa ni Cayetano na nakakabahala na isang araw ay pag-aari na ng mga banyaga ang mga lupa sa Pilipinas dahil gamit nila ang birth certificate bilang patunay nila na sila ay ipinanganak na Filipino.
Nagbilin na rin ang senadora sa mga Filipino na huwag pumayag ng kanilang mga dokumento dahil maaring sila naman ang magka-problema.
“The life of that person is put on hold. And possible, not just possible, we are sure na may maraming katulad niya na on hold ang buhay dahil may gumagamit ng identity niya,” anang senadora.
Inanunsiyo na rin nito na sa susunod na pagdinig ay tatalakayin naman ang mga naging isyu sa Immigration Bureau.