Calabarzon LTO chief inireklamo ng pangongotong kay Pangulong Marcos Jr.

Idinirekta na sa Office of the President ng grupo ng mga transport operators at drivers ang kanilang reklamo ng pangongotong laban sa isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO).

Kinilala ang inireklamo na si LTO Calabarzon Regional Dir. Cupido Asuncion.

Ang rekamo na ipinarating mismo sa tanggapan ni Pangulong Marcos Jr., ay mula sa mga operator at drivers na may biyaheng  Naic-PITX, Tagaytay-PITX, Indang-PITX, Alfonso-PITX at Mendez-PITX.

Anila humihingi ng P50,000 sa bawat bus operator si Asuncion bukod pa sa P25,000 kada buwan kapalit nang hindi paghuli ng LTO enforcers sa kanilang mga bus.

Inihain ang reklamo noong Pebrero 27 at pirmado ito nina  Federico Callejas ng Celyrosa Transport, Henry Cayao ng Lorna Express, Francis Caballero ng Floralde Liner, at Teddy Lising, chairman ng Cavite-Batangas Transport Service Cooperative.

Sa kanilang reklamo, umiimbento ng kung ano-anong traffic violations ang LTO enforcers sa kanilang mga bus kapag hindi sila nagbibigay ng lagay.

Hiniling nila na matanggal sa puwesto si Asuncion.

 

 

 

Read more...