Inisponsoran ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukalang batas na sa kanyang palagay ang magiging solusyon sa isyu ng “job-skills mismatch” sa bansa.
Sinabi ni Villanueva na sa pamamagitan ng Senate Bill 2587 o ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act mapapag-isa ang lahat ng enterprise-based education at training programs.
Binanggit ng senador na base sa 2023 preliminary report ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakadadagdag pa ang “job-skills mismatch” sa unemployment rate (4.3%) at 12.3% naman sa underemployment rate sa bansa.
Diin niya ang EBET ang magsisilbing tulay ng mga naghahanap ng mga trabaho sa mga negosyo na nangangailangan naman ng mga empleado o manggagawa.
Naniniwala din si Villanueva na sa pamamagitan ng panukalang-batas ay mas magiging aktibo ang pribadong sektor sa kanilang partisipasyon sa mga hakbangin para bigyan solusyon ang isyu.
Aniya mas magiging epektibo na ang mga negosyo sa pagtukoy, pagbibigay prayoridad hanggang sa pagpapa-unlad pa ng kuwalipikasyon at kakayahan ng kanilang mga manggagawa o empleado.