Sisimulan na sa darating na Lunes sa plenaryo ng Kamara ang mga debate sa mga nais na pag-amyenda sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 matapos na maaprubahan ng Committee of the Whole.
Ito ang sinabi ni Deputy Majority Leader Neptali Gonzales II, na naitalagang majority leader ng komite at aniya target nila na maipasa sa ikalawang pagbasa ang resolusyon sa susunod na Miyerkules.
Naaprubahan ang naturang resolusyon matapos ang anim na deliberasyon ng komite.
Sinabi pa ni Gonzales na pagsusumikapan nila na maaprubahan ang mga panukalang pag-amyenda sa tatlong economic provisions ng 1987 Constitution bago ang “Holy Week break” ng Kongreso sa ikatlong linggo ng Marso.
Ang naturang resolusyon ay ang kopya ng RBH No. 6 na tinatalakay naman ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments, na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara.
Sinabi ng ilang senador, sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na hindi mamadaliin ang pagtalakay sa RBH No. 6 bagamat sang-ayon sila sa nais ni Pangulong Marcos Jr., na maisabay ang plebisito para sa economic Cha-Cha sa 2025 midterm elections.
.