February inflation rate tumaas sa 3.4 percent – PSA

Ang mataas na presyo ng pagkain, partikular na ang bigas, ang nagpataas sa February inflation rate.

Nagwakas noong nakaraang buwan ang pagbaba ng inflation rate sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Office (PSA).

Ibinahagi ni National Statistician Dennis Mapa na mula 2.8% inflation rate noong Enero, umangat ito sa 3.4% noong nakaraang buwan.

Simula noong Oktubre kung kailan nairehistro ang 4.9% inflation rate nagtuloy-tuloy ang pagbaba hanggang sa unang buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Mapa ang pagtaas noong Pebrero ay bunga ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, produktong-petrolyo at utilities.

Banggit niya ang mataas na presyo ng bigas ang nangunang dahilan ng pagtaas  sa overall inflation rate noong nakaraang buwan.

Una nang tinaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang maitatalang February inflation rate ay nasa pagitan ng 2.8% hanggang 3.6%.

Sinabi pa ni Mapa na 69.5% nang pagtaas sa inflation rate ay dahil sa pagkain at inumin, partikular na ang mga gulay at karne.

Samantala, 22.7% naman ay dahil sa pagtaas sa sektor ng transportasyon, kasama na ang mga produktong-petrolyo.

Read more...