Hiniling ni Senator Robinhood Padilla sa mga kapwa senador na magpa-abot ng pakikiramay sa pamilya at iba pang naulila ng namayapang aktres na si Jaclyn Jose.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Andi Eigenmann, anak ng aktres, na namatay ang kanyang ina noong nakaraang Sabado dahil sa atake sa puso.
Nakiusap din si Eigenmann sa sa publiko na hayaan at irespeto ang kanilang nais para sa pribadong pagdadalamhati.
Samantala, sa Senado, sinabi ni Padilla na nagluluksa ngayon ang “showbiz industry” dahil sa pagpanaw ni Jaclyn Jose, na Mary Jane Sta. Ana Guck sa tunay na buhay sa edad 60.
Aniya nakilala si Jaclyn Jose sa kanyang mga natatanging pagganap sa mga pelikula at programa sa telebisyon.
Siya aniya ang kauna-unahang tubong Timog-Silangan Asya na tinanghal na Best Actress sa Cannes Film Festival noong 2016 sa kanyang pagganap sa pelikulang Ma’Rosa.
“She was like a professor, a mentor, to young artists, an inspiration to young artists like Coco Martin, and my daughter Kylie Padilla. I am asking my colleagues here in the Senate to join me in offering condolences to her family on the sudden passing of our admired and beloved Jaclyn Jose,” sabi pa ni Padilla.
Isinalarawan naman ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ang namayapang aktres na “isa sa mga pinakamagaling at tinitingalang aktres – ang ating kasamahan sa industriya.”